White Lady sa Muzon



I found this from a book. My first impression was, it seemed like an urban legend. I found it in a true ghost story book.



White Lady sa Muzon


Marso 12, 2006. Alas tres ng madaling arawnang bulabuginang buong Phase X sa subdivision ng Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan. Sa bahay ng pamilya Mahilum nagpakita ang multo ng isang babae. Malapit ang bahay sa isang malawak ba palayan na sinasabing pinanggalingan ng multo.

Isang linggo bago ang malagim na pangyayaring bumalot sa bahay, unti-unting nagparamdam at nagpakita ang multo sa mga miyembro ng pamilya Mahilum mula sa sampung taong gulang na bunsong anak hanggang sa padre de pamilya. Hindi maipaliwanag ng pamilya Mahilum kung sino ang multo at kung bakit sila pinagpapakitaan at tinatakot nito.

Ang padre de pamilya na si Larry Mahilum ay kasalukuyang sumasailalim sa psychiatric therapy. Mula nang magpakita ang multo sa kanya, lagi na siyang tulala at hindi makausap ng maayos.Walang makapagsabi kung ano ang totoong nangyari at ang nakita ni Larry noong madaling araw na iyon. Nagising na lamang ang mga kasama niya sa bahay, maging ang mga kapitbahay, sa kanyang sigaw. Natagpuan nila si Larry sa palayan na pinagtatataga ang sarili.

ANG BAHAY SA MUZON

Sa Phase X, Lot X, Block XX, Site XX makikita ang isang may katamtamang laking bungalow. Pula ang bobong at krema ang pintura ng bahay. Nababakuran ang bahay ng hanggang dibdib na pader. Puro namumulaklak na halaman naman ang paligid ng bakuran. Dito nakatira ang pamilya Mahilum. Sa likod ng kanilang bahay naroon ang malawak na palayan. Bago ang insidente noong ika-12 ng Marso, laging bukas ang mga bintana at pintuan ng bahay. Pero simula nang magwala si Larry at pagtatagain ang kanyang sarili, lagi nang sarado ang mga bintana at pintuan. Laging nakakandado ang gate at laging patay ang ilaw kahit gabi.

MGA PANAYAM

1.Marco Mahilum

Sampung taong gulang, grade IV sa Muzon Elementary School. Payat, katamtaman ang tangkad, at may kaitiman. Sa oras ng panayam, kapansin-pansin ang puting marka ng kamay sa kanyang pisngi. May kaunting sinat at ubo.

"Nag-iisa po ako noon sa bahay. Umalis po kasi sila Mama at Papa papuntang bayan. Si Ate po, umalis din, pumunta sa mga kaklase. Nasa sala po ako, naglalaro po nu'ng GI Joe na ibinigay ng ninong ko noong nakaraang Pasko.

"Bigla na lang po akong gininaw. Nagtayuan po ang mga balahibo ko sa braso. Lumakas po 'yung ihip ng hangin, akala ko nga po uulan, pero pagtingin ko sa labas hindi naman. Inilipad po 'yung mga papel sa ibabaw ng mesa tapos 'yung kurtina rin po.

"Pagtingin ko po sa likod ko, andun 'yung babae. Puti ang kanyang suot at mahabang-mahaba ang kanyang buhok. Duguan ang kanyang mukha, pati nga po 'yung luhang dumadaloy sa mga mata niya ay kulay pula.

"Naihi po ako sa sobrang takot. Hindi po ako makagalaw at makapagsalita. Ni hindi nga po ako makasigaw. Lumulutang po ang babae. Itim na itim po ang kanyang mga paa na parang balot ng putik.

"Lumapit po siya sa akin, tapos hinawakan niya ang aking pisngi. Ang lamig po ng kanyang kamay. Heto pa nga po 'yung markang kanyang kamay. Tapos, bigla na lang siyang nawala.

"Umiyak po ako pagkatapos mawala ng babae. Masakit po kasi ang aking pisngi. Pagdating nila Mama, ikinuwento ko ang nangyari pero hindi sila naniwala."

- end of tape -

2. Lisa Mahilum

Labinwalong taong gulang, second year sa isang sa isang computer college. Nagtatrabaho nang part-time sa isang restawran bilang crew.Katamtaman ang pangangatawan. Mahaba ang buhok at bilugan ang mukha. Sa panahon ng panayam, kapansin-pansin ang pagiging magugulatin ni Lisa. Malayo ang tingin at malalim ang iniisip.

"Sabado noon. Bumisita po 'yung mga pinsan ko mula Pangasinan. Mga lima po kaming nagkakatuwaan sa sala. May salu-salo po at konting inuman.

"Kumuha po kami ng mga litrato gamit 'yung digital camera ni Kuya Jun-jun. 'Yung panghuli pong kuha nu'ng group picture ako ang kumuha.

"Nu'ng pagtingin ko po sa camera, bigla pong may isang babae roon na naka-puti. Akala ko nga po 'yung kurtina lang 'yun. Pero nu'ng tingnan ko ulit, andun pa rin siya. Katabi niya ang mga pinsan ko. Pero 'di tulad ng mga pinsan kong nagtatawanan, ang babae ay lumuluha. Dugo ang kanyang iniluluha. May sugat siya sa noo. Matagal ko pong tinitigan ang babae sa camera. Nainip na nga po 'yung mga pinsan ko kaya inagaw na ni Ate Kristine 'yung camera para siya na lang daw ang kumuha ng litrato.

"Pinapunta niya ako sa may bintana kasama ang iba pang pinsan ko para kunan ng litrato. Hindi ko masabi sa kanila na may nakita akong babae. Natakot ako. Pagpunta ko roon sa bintana, biglang umihip nang malakas ang hangin. Binalutan ako ng kurtina, ang lamig-lamig ng pakiramdam ko.

"Tapos, hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Paggising ko, umaga na, sabi nila nahimatay daw ako sa sobrang kalasingan. Pero hindi naman kasi ako uminom nang marami nu'n, kaya imposibleng lasing ako nang mga oras na 'yun."

- end of tape -

3. Hermie Mahilum

Apatnapung limang taong gulang. Maybahay ni Larry Mahilum at ina nina Marco at Lisa Mahilum. Paminsan-minsa'y tumatanggap ng patahi ng mga kurtina at punda. Sa oras ng panayam, balisa at hindi mapakali si Ginang Mahilum. Panay ang punas sa pawisang mukha.

"Alas onse iyon. Nagsasahod ako ng tubig sa labas ng bahay kasi hindi pumasok sa loob ang tubig. Wala ring tubig kapag umaga kasi may ginagawang tubo diyan sa kanto.

"Tahimik na tahimik ang paligid noon. Kahit ang palayan sa likod ay wala man lang ingay, kahit lagaslas ng mga dahon ng palay. Wala akong masyadong maaninag. Katatapos lang ng kabilugan ng buwan kaya manipis ang liwanag sa paligid.

"Nakita ko mula sa palayan ang isang babae. Nakakasilaw ang puti niyang damit. Lumulutang siya sa ibabaw ng mga palay. Duguan ang kanyang mukha. Duguan ang kanyang kaliwang kamay. Puro putik ang kanyang paa. Mahabang-mahaba ang kanyang buhok.

"Lumulutang siya papalapit sa akin. Nanlilisik ang kanyang mga mata. Hindi bumubuka ang kanyang bibig pero naririnig ko sa loob ng aking tenga na sumisigaw siya. Umiiyak at nagmamakaawa. Sumigawa ako ng sumigaw. Tinawag ko ang aking asawa at ang mga bata.

"Paglabas nila, itinuro ko sa kanila kung saan naroon ang babae. Pero wala na siya roon. Lumabas pa kami sa kalsada para tingnan kung nasa paligid pa siya pero isang asong gala lang ang nakita namin."

- end of tape -

4. Larry Mahilum

Apatnapung taong gulang. Construction worker. Sa oras ng panayam, tulala at tahimik si Ginoong Mahilum. Nakabenda ang kanyang dibdib dulot ng mga sugat mula sa sariling itak. Nakabenda at sariwang-sariwa pa ang sugat sa kaliwang braso. Nataga at naputol niya ang sariling kamay.

"Si Maricel iyon. Ang kanyang mga mata. Ang kanyang mga mata. Impyerno ang kanyang mga mata. Si Maricel iyon."

- end of tape -

SINO SI MARICEL?

Tikom ang bibig ni Hermie Mahilum nang tanungin kung sino ang Maricel na tinutukoy ni Larry Mahilum. Wala raw siyang kilalang Maricel. Gayon din ang mga anak na sina Marco at Lisa. Ngunit nang ipagsiyasat, natuklasang may isang nagngangalang Maricel Sembrano na tumira sa bahay ng mga Mahilum mula Pebrero 2001 hanggang Marso 2004.

5. Esther Jalosjos

Kapitbahay ng mga Mahilum. Matandang dalaga. Nagtitinda ng barbecue sa tapat ng bahay at naging malapit na kaibigan ni Maricel.

"Kamag-anak nila si Maricel galing Pangasinan. Kinuha siya nila Hermie para maging katulong. Hindi ako sigurado sa kanyang edad pero malamang na disisais o disisiyete. Naalala kong nabanggit niyang baging gradweyt lang siya ng high school.

"Alas kwatro pa lang ng umaga bumabangon na siya para maglaba o magsahod ng tubig. Tahimik at mahinhin, hindi siya gaanong lumalabas ng bahay. Lumalabas lang 'yan kapag wala ang pamilya. Dito siya sa akin umiistambay at nakikipagkuwentuhan.

"Isang araw, bigla na lang nawala si Maricel. Pinalayas daw ni Hermie matapos matuklasang buntis. Pinabalik si Maricel sa probinsiya, ngunit isang linggo matapos siyang umalis, natagpuan ang kanyang naaagnas na bangkay sa gitna ng palayan. May natagpuang kalawanging alambre sa pagitan ng kanyang mga hita.

"Nakakasuka. Itim na itik ang lupa dahil sa dugong natuyo roon. Puro uod ang mukha ni Maricel. Andami-daming langaw.

"Walang makapagsabi kung sino ang may gawa nu'n. Sabi ng mga pulis na nag-imbestiga, si Maricel rin mismo ang may gawa nu'n sa kanyang sarili. Siguro nahihiya rin siya at natatakot kasi at nabuntis nang hindi pa ikinakasal.

"Hindi nalaman kung sino ang ama ng ipinagbubuntis ni Maricel. Wala naman siyang kasintahan. Pero sino ba ang lalaking palagi niyang kasama sa bahay? 'Di ba si Larry lang naman?"

- end of tape -

Nanatiling tikom ang bibig ng pamilya Mahilum simula noon hanggang sa makalimutan na ng mga taga-Muzon ang pangyayari.

Ngayon, binasag nila ang kanilang pananahimik at piniling magsalita para ipagtanggol at ipaliwanag ang kanilang sarili sa haka ng mga kapitbahay na sila'y nababaliw na.

Ngayong araw, ipinasya ng mga doktor na dalhin muna sa mental hospital si Larry para suriin at bigyang lunas.

Ngayong araw din ang saktong araw nang mamatay si Maricel dalawang taon na ang nakakaraan.


Image Source:
Photo credit to the owner
http://photos.wikimapia.org/p/00/01/20/57/19_big.jpg

Comments

  1. taga muzon aq at naririnig q na ang ganyang balita ...malamang si lary ang ama.?

    ReplyDelete
  2. sa tingin ko lang, una hindi sya nagpakamatay kundi may pumatay talaga sknya kasi humihingi ng tulong yung kaluluwa nya.. pangalawa, bakit sabi ng pamilya na wala silang kilalang maricel? kamag anak nila, sakanila pa namasukan at naging katulong..may tinatago yung pamilyang yun...sana mabgyan ng hustisya si maricel

    ReplyDelete

Post a Comment